settings icon
share icon
Tanong

Nararapat bang maglingkod bilang pastor/magsermon ang mga babae?

Sagot


Wala na sigurong mas hihigit pa sa mga isyu na pinagdedebatehan sa Iglesya sa isyu ng mga babae na naglilingkod bilang pastor o nagsesermon. Dahil dito, napakahalaga na huwag tingnan ang isyung ito na lalaki kontra sa babae. May mga babae na naniniwalang hindi dapat maglingkod bilang pastor ang mga babae at nagtakda ang Bibliya ng mga ministeryo para sa mga babae - at mayroon namang mga lalaki na naniniwala na pwedeng magpastor at magsermon ang mga babae at hindi nagtakda ang Bibliya ng mga ministeryo para sa mga babae. Hindi ito isyu ng diskriminasyon. Ito'y isyu ng Biblikal na interpretasyon. Sinasabi ng 1 Timoteo 2: 11-12, “Ang babae'y kailangang tumahimik sa panahon ng pag-aaral at lubos na pasakop. Hindi ko pinapayagang ang babae ay magturo o mamahala sa mga lalaki; kailangang tumahimik siya.” Sa Iglesya, itinalaga ng Diyos ang mga babae at lalaki sa iba't-ibang papel na kanilang gagampanan. Sa ganitong paraan nilalang ng Diyos ang sangkatauhan (1 Timoteo 2:13) at sa ganitong paraan din pumasok ang kasalanan sa sanlibutan (2 Timoteo 2:14).


Ang Diyos, sa pamamagitan ng mga sulat ni Pablo, ay nagbawal sa mga kababaihan na gampanan ang pagtuturo at pamamahalang espiritwal na gaya o higit pa sa mga kalalakihan. Hindi ipinahihintulot sa mga kababaihan na maglingkod bilang pastor, kasama dito ang pagsesermon, pagtuturo at pagkakaroon ng mas mataas na espiritwal na awtoridad kaysa sa mga lalaki. Marami ang tumututol sa ganitong pananaw sa mga babaeng pastor o mga babaeng nasa ministeryo. Ang isa sa pinaka-pangkaraniwang argumento ay ang itinuturo ni Pablo na nagbabawal sa mga babae na magturo dahil noong unang siglo, pangkaraniwan na walang mga pinag-aralan ang mga kababaihan. Gayon man, hindi binabanggit sa 1 Timoteo 2: 11-14 ang antas ng edukasyon. Kung ang edukasyon ang kwalipikasyon sa ministeryo, karamihan sa mga alagad ni Hesus ay hindi magiging kwalipikado. Ang pangalawa sa pangkaraniwang pagtutol ay pinagbawalan lamang ni Pablo na magturo ay ang mga babaeng mananampalataya sa Efeso (Ang 1 Timoteo ay isinulat para kay Timoteo na isang pastor sa Iglesya sa Efeso).

Ang lungsod ng Efeso ay nakilala dahil sa templo ni Artemis, isang babaeng diyus-diyusan ng mga Griyego. Ang mga babae ang may awtoridad sa pagsamba kay Artemis. Gayon man, hindi binanggit sa aklat ng 1 Timoteo o hindi sinabi maging ni Pablo na ang pagsamba kay Artemis ang dahilan kung bakit ipinagbabawal sa mga babae ang magsermon at mamahala sa Iglesya sa 1 Timoteo 2: 11-12. Ang pangatlong pangkaraniwang argumento ng mga naniniwala na maaaring magpastor ang mga babae ay tinutukoy lamang diumano ni Pablo ay ang mga mag-asawang lalaki at babae, at hindi ang pangkalahatang babae at lalaki. Ang salitang Griyego sa 1 Timoteo 2: 11-14 ay maaaring tumutukoy sa mag-asawang babae at lalaki. Gayon man, ang simpleng kahulugan ng mga salita ay lahat ng babae at lalaki.

Ang parehong salitang Griyego ay ginamit din sa talatang 8-10. Ang mga asawang lalaki lang ba sa lahat ng dako ang mananalanging may malinis na kalooban, walang hinanakit o galit sa kapwa (Talata 8)? Ang mga babaeng asawa lang ba ang dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ang buhok? At ang pinakahiyas nila ay hindi ang mga palamuting ginto, perlas o mamahaling damit, kundi ang mga mabubuting gawang nararapat sa mga sumasampalataya sa Diyos (Talata 9-10)? Ang talata mula walo hanggang sampu ay malinaw na tumutukoy sa babae at lalaki sa pangkalahatan, at hndi lamang sa mga mag-asawa. Hindi binanggit ang tungkol sa mag-asawa sa mga talatang 11-14. Sa kabila nito, mayroon pa ring maraming pagtutol sa ganitong interpretasyon para sa mga babaeng pastor o nagsesermon kagaya nina Miriam, Deborah, Huldah, Priscilla, Phoebe at iba pa - mga babaeng nagkaroon ng posisyon bilang mga tagapanguna sa Bibliya. Ngunit kailangang pagukulan ng pansin ang ilang importanteng aspeto. Katulad kay Deborah, siya ay nagiisang babae sa labintatlong hukom na lalaki. Tungkol naman kay Huldah, siya ay nag-iisang babaeng propeta sa ilang dosenang mga lalaking propeta na binanggit sa Bibliya. Tungkol kay Miriam, ng tanging koneksyon lamang niya sa pamumuno ay dahil kapatid na babae siya nina Moises at Aaron. Samakatwid hindi pwedeng gawing halimbawa ang mga babaeng ito upang payagan ang mga babae na magpastor o magsermon sa Iglesya dahil hindi naman ito ang kanilang naging tungkulin. Ang dalawang pinaka-kilalang mga babae sa panahon ng mga hari ay ang masasamang babae na sina Athaliah at Jezebel - subalit hindi rin sila pwedeng maging halimbawa ng mga namumunong babae sa Iglesya.

Sa kabanata 18 ng aklat ng mga Gawa, ipinakilala sina Priscilla at Aquila bilang mga matapat na lingkod ni Kristo. Ang pangalan ni Priscilla ay nabanggit ng una, marahil ito ay nagpapakitang mas kilala siya sa Iglesya kumpara sa kanyang asawa (lalaki). Gayon man, hindi sinabi na si Priscilla ay nakikilahok sa mga gawain sa ministeryo na sumasalungat sa 1 Timoteo 2: 11-14. Dinala nina Priscilla at Aquila si Apolos sa kanilang tahanan at kapwa nila ipinaliwanag ang Salita ng Diyos sa kanya ng buong linaw (Mga Gawa 18: 26). Sa aklat ng Roma 16:1, noon pa man, itinuturing nang diakonesa si Phoebe sa halip na isang alila - hindi nito ipinapakita na si Phoebe ay isang guro sa Iglesya. “Ang kakayahang magturo” ay kwalipikasyon sa mga mas nakakatanda, pero hindi sa mga diakonesa o lingkod na babae sa Iglesya (1 Timoteo 3: 1-13; Titus 1: 6-9).

Ang mga nakatatanda/obispo/ at mga diakono sa Iglesya ay inilalarawan bilang “asawang lalaki ng nag-iisang babae,” “Isang taong iginagalang at sinusunod ng mga anak,” at “lalaking karapat-dapat igalang.” Bilang karagdagan, sa 1 Timoteo 3: 1-13 at Titus 1: 6-9, ang panlalaking panghalip ang tanging ginagamit kung ang tinutukoy ay ang mga nakatatanda/obispo/diakono. Sinasabi sa 1 Timoteo 2: 11-14 ang malinaw na dahilan. Nagsisimula ang talata 13 sa “dahil sa” at binigay ang “dahilan” sa mga talatang 11-12. Bakit ang babae ay hindi dapat magturo o magkaroon ng awtoridad na higit pa sa mga lalaki? Sapagkat - “Si Adan muna ang nilalang, bago si Eba. Hindi si Adan kundi si Eba ang nadaya at sumuway. Iyan ang dahilan. Nilalang ng Diyos si Adan at pagkatapos ay si Eba para maging katuwang ni Adan. Ang ganitong kaayusan ng paglalang ay mayroong pandaigdigang aplikasyon sa sangkatauhan sa pamilya (Efeso 5: 22-33) at sa Iglesya.

Ang katotohanan na unang nadaya si Eba ay siya ring ibinibigay na dahilan para ang mga babae ay hindi dapat magsilbing pastor, mamahala sa Iglesya o magkaroon ng espiritwal na awtoridad na higit sa mga lalaki. Ito ang dahilan ng iba kung bakit hindi dapat magturo ang mga babae sapagkat mas madali silang madaya. Ang naturang talata sa Biblia ay tinututulan ng mga naniniwalang ang mga babae ay puwedeng magpastor. Ganito ang kanilang argumento: Kung ang mga babae ay mas madaling madaya, bakit pinapayagan silang magturo ng mga bata (na madaling madaya) at iba pang mga kababaihan (na ipagpalagay nating mas madaling madaya)? Hindi iyan ang sinasabi ng teksto. Ang mga babae ay hindi dapat magturo o magkaroon ng espiritwal na awtoridad na higit sa mga lalaki dahil si Eba ang unang nadaya. Bilang konsekwensya, ibinigay ng Diyos sa mga lalaki ang awtoridad na magpastor at mamahala sa Iglesya. Nangunguna ang mga babae kung ang pag-uusapan ay ang pagsisilbi sa kapwa, pagkahabag, pagtuturo at pagbibigay ng tulong. Karamihan sa mga ministeryo ng Iglesya ay umaasa sa mga kababaihan maliban sa pagpapastor at pamamahala sa Iglesya.

Ang mga babae sa Iglesya ay hindi pinagbabawalang manalangin sa harap ng publiko o mangaral ng Salita ng Diyos (1 Corinto 11: 5), sa halip tanging ang pagkakaroon lamang ng espiritwal na awtoridad bilang pastor o pagsersermon ang hindi pinapayagan. Hindi pinagbabawalan ng Bibliya ang mga babae na gamitin ang mga kaloob ng Banal na Espiritu (1 Corinto Kabanata 12). Ang mga babae, kagaya din ng mga lalaki, ay tinawag upang maglingkod sa kapwa, ipakita ang bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5: 22-23), at ipahayag ang Ebanghelyo sa mga naliligaw (Mateo 28: 18-20; Gawa 1: 8; 1 Pedro 3: 15). Tanging ang mga lalaki lamang ang inatasan ng Diyos na maglingkod bilang pastor, mamahala at magkaroon ng espiritwal na awtoridad sa Iglesya.

Hindi ito dahil sa ang mga lalaki ay mas magaling na guro, o dahil ang mga babae ay mas mababa ang uri o marupok at hindi matalino kundi dahil ito ang disenyo ng Diyos sa Iglesya. Ang mga lalaki ang dapat magpakita ng halimbawa sa pamumunong espiritwal - sa kanilang buhay at pananalita. Ang mga kababaihan naman ang pinagagawa ng mas mababang tungkulin. Hinihikayat ang mga babae na turuan ang ibang mga kababaihan (Tito 2: 3-5). Hindi rin pinagbabawalan ng Bibliya na magturo ang mga kababaihan sa mga bata. Ang tanging aktibidad na ipinagbabawal sa mga kababaihan ay ang pagkakaroon ng mataas na espiritwal na awtoridad kaysa sa mga kalalakihan gaya ng pagpapastor, pamamahala sa Iglesya at pagsesermon sa pulpito. Hindi pinawawalang halaga ng alituntuning ito sa Iglesya ang paglilingkod ng mga babae sa halip binibigyan sila ng pagkakataon na mapagtuunan ng pansin ang mga ministeryo sa Iglesya na ipinagkaloob at ipinahintulot sa kanila ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nararapat bang maglingkod bilang pastor/magsermon ang mga babae?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries