settings icon
share icon
Tanong

Ako ngayon ay sumampalataya na kay Hesus ... ano ngayon?

Sagot


Ako ngayon ay sumampalataya na kay Hesus ... ano ngayon?

Binabati kita! Gumawa ka ng isang pagpapasya na babago sa iyong buhay. Maaaring mayroon kang mga katanungan kung paano ka magsisimula sa iyong pamumuhay bilang isang Kristiyano. Narito ang limang panuntunan mula sa Salita ng Diyos upang iyong magsilbing patnubay. Kung may iba ka pang katanungan sa iyong buhay Kristiyano, magtanong sa https://www.gotquestions.org/Tagalog

Mag-click dito para mag-download ng anim na foundation-building devotionals para sa mga bagong Kristiyano na ganap na walang bayad mula sa aming mga kaibigan sa Twenty20 Faith.


1. Tiyakin mo kung nauunawaan mo ang tungkol sa kaligtasan.

Sinasabi sa atin sa 1 Juan 5:13, “Isinusulat ko ito sa inyo, kayong nananalig sa Anak ng Diyos, para malaman ninyo na may buhay kayo na walang hanggan.” Nais ng Diyos na maunawaan natin ang ating kaligtasan. Nais niyang lubos ang ating paniniwala na nakatitiyak tayo na tayo ay ligtas na. Balikan natin ang mga mahalagang bagay tungkol sa kaligtasan:

a. Lahat tayo ay nagkasala. Lahat ay nakagawa ng mga bagay na hindi nais ng Diyos (Roma 3:23).

b. Dahil sa ating mga kasalanan, nararapat lamang na parusahan tayo ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Roma 6:23).

k. Namatay si Hesus sa krus para sa atin upang bayaran ang ating mga kasalanan (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21). Siya ang nagtiis ng parusa na nararapat sa atin. At ang kanyang muling pagkabuhay ang ebidensya na sapat ang kanyang bayad para sa ating mga kasalanan.

d. Pinatatawad ng Diyos at inililigtas ang lahat ng sumampalataya kay Hesus at nagtitiwala sa kanyang kamatayan bilang pambayad sa kanilang mga kasalanan (Juan 3:16; Roma 5:1; Roma 8:1).

Iyan ang mensahe ng kaligtasan! Kung tunay mong inilagak ang iyong pagtitiwala kay Hesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon, makatitiyak ka sa iyong kaligtasan! Ang lahat ng iyong mga kasalanan ay pinatawad na ng Diyos at ipinangako niyang hindi ka pababayaan ni iiwanan man (Roma 8:38, 39; Mateo 28:20). Alalahanin mong tiyak ang iyong kaligtasan kay Hesu Kristo (Juan 10:28, 29). Kung ikaw ay sumampalataya at nagtiwala kay Hesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon, may katiyakan na mamumuhay ka ng walang hanggan sa langit kasama ang Diyos.

2. Maghanap ka ng isang Iglesia na Bibliya lamang ang itinuturo.

Nakapahalaga na ang mga nananampalataya kay Hesu Kristo ay magsama-sama. Ngayong sumasampalataya ka na kay Hesu Kristo, pinapayuhan ka naming maghanap ng isang Iglesya o simbahan na malapit sa iyong lugar na naniniwala sa mga turo mula sa Bibliya at makipag-usap ka sa Pastor doon. Sabihin mo sa kanya na ikaw ay isang bagong mananampalataya ni Hesu Kristo.

Ang layunin ng simbahan ay magturo ng tungkol sa Salita ng Diyos. Ang pagka-unawa sa Salita ng Diyos ang susi para makapamuhay nang matagumpay bilang isang Kristiyano. Pagaralan mong isapamuhay ang mga Salita ng Diyos. Sinasabi sa 2 Timoteo 3:16-17, “Lahat ng Kasulatan ay galing sa Diyos, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway, sa pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, upang ang naglilingkod sa Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawa.

Ang isa pang layunin ng simbahan ay ang pagsamba. Ang pagsamba ay ang pagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng kanyang ginawa para sa atin! Iniligtas tayo ng Diyos. Iniibig Niya tayo at ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Pinapatnubayan din Niya tayo at iniingatan araw-araw. Ang Diyos ay banal, matuwid, mapagmahal, maunawain at puno ng biyaya. Sinasabi sa Pahayag 4:11 “Karapat-dapat ka Panginoon naming Diyos na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan, sapagkat kayo ang lumalang sa lahat ng bagay. At ginawa mo ang mga ito ayon sa iyong kagustuhan.”

3. Maglaan ka ng panahon para sa Diyos araw-araw.

Mahalaga para sa mga Kristiyano ang paglalaan ng panahon para sa Diyos araw-araw. Ang tawag ng iba dito ay “devotion” sapagkat ito ang panahon na inilalaan natin sa Diyos. Ang iba ay gustong gawin ito sa umaga, ang iba naman ay sa hapon. Hindi mahalaga kung ano ang tawag mo dito o kung anong oras mo ito nais gawin. Ang mahalaga ay ginagawa mo ito para sa Diyos. Ano ang dapat nating gawin sa oras na inilaan natin para sa Diyos?

a. Manalangin. Ang panalangin ay intensyonal na pagpapaabot sa Diyos ng ating saloobin. Sabihin mo sa Diyos ang iyong mga problema at mga alalahanin. Hilingin mo sa Diyos na bigyan ka ng karunungan, patnubay at lahat ng iyong mga pangangailangan. Sabihin mo rin sa Diyos kung gaano mo siya kamahal at kung gaano mo pinahahalagahan ang lahat ng ginagawa Niya para sa iyo. Ganyan ang panalangin.

b. Magbasa ng Bibliya. Nasa Bibliya ang lahat ng kailangan mong malaman upang makapamuhay ka nang matagumpay bilang isang Kristiyano. Naglalaman ito ng mga turo ng Diyos upang makagawa ka ng tamang pagpapasya sa buhay, upang iyong malaman ang kalooban ng Diyos, kung paano ka maglilingkod sa kapwa, at kung paano ka lalago sa buhay espiritwal. Ang Bibliya ay Salita ng Diyos para sa atin. Ito ay naglalaman ng mga turo kung paano tayo mamumuhay ng kalugod-lugod sa Diyos.

4. Makihalubilo ka sa mga taong makatutulong sa iyong buhay espiritwal.

Sinasabi sa atin sa 1 Corinto 15:33, “Mag-iingat kayo: “Ang masamang kasama'y makakasira sa magandang ugali.” Maraming babala ang ating makikita sa Bibliya laban sa panghihikayat sa atin ng mga taong masasama. Ang paggugol ng panahon na kasama ang mga taong masama ang gawain ay makatutukso sa atin para gumawa din ng masama. Mahahawa tayo sa ugali ng mga taong lagi nating kasama. Kaya kailangan na ang palagi nating kasama ay ang mga taong tapat na nagmamahal din sa Panginoon.

Sikapin mong magkaroon ng isa o dalawang kaibigan sa Iglesya na maaaring makatulong at makapagpalakas sa iyo (Hebreo 3:13; 10:24). Hilingin mo sa iyong mga kaibigan na paalalahanan ka sa iyong pananagutan sa Diyos at sa iyong buhay bilang isang Kristiyano. Tanungin mo rin sila kung maaari mo ring gawin ito sa kanila. Hindi naman ito nangangahulugan na hindi ka makikipag-kaibigan sa mga hindi pa nakakakilala sa Panginoong Hesu Kristo. Manatili kang kaibigan nila at ipadama mong mahal mo sila. Sabihin mo sa kanila na binago na ni Hesus ang buhay mo kaya may mga bagay na dati mong ginagawa na hindi mo na kayang gawin ngayon. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng pagkakataon na maibahagi ang Ebanghelyo sa iyong mga kaibigan.

5. Magpabawtismo ka.

Maraming tao ang hindi nakakaunawa sa kahulugan ng bawtismo. Ang salitang “bawtismo” ay nangangahulugan ng paglubog sa tubig. Ang pagpapabawtismo ayon sa Bibliya ay isang pagpapahayag sa publiko ng iyong bagong pananampalataya kay Kristo at ang pagtatalaga ng iyong sarili sa Kanya. Ang ginagawang paglubog sa iyo sa tubig ay naglalarawan ng paglibing na kasama si Kristo. At ang pagahon mo naman sa tubig ay paglalarawan sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo at ang iyong pag-ahon sa isang bagong buhay. Kaya ang pagpapabawtismo ay ang iyong pakikibahagi sa kamatayan, paglibing at muling pagkabuhay ni Kristo (Roma 6:3-4). Ito'y isang hakbang ng pagsunod, ang pagpapahayag sa madla ng iyong pananampalataya kay Hesu Kristo at ng iyong pagtatalaga ng iyong buong sarili sa Kanya. Kung handa ka ng magpabawtismo, sabihin mo ito sa iyong Pastor.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ako ngayon ay sumampalataya na kay Hesus ... ano ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries