Tanong
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa legal na paghihiwalay o diborsiyo at pag-aasawang-muli?
Sagot
Una sa lahat, kahit ano pa man ang pananaw ng isang tao sa isyu ng diborsiyo, napakahalaga na sundin ang sinabi ng Diyos sa aklat ng Malakias 2:16a “Nasusuklam Ako sa naghihiwalay, sabi ni Yahweh ang Diyos ng Israel.” Ayon sa Bibliya, ang plano ng Diyos sa pag-aasawa ay buong buhay na pagsasama. “Kaya't hindi na sila dalawa, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mateo 19:6). Nauunawaan ng Diyos na dahil ang pagaasawa ay sa pagitan ng dalawang makasalanang tao, ang diborsiyo ay maaring mangyari. Sa Lumang Tipan, inilatag ng Diyos ang ilang batas upang protektahan ang karapatan ng mga taong sumailalim sa diborsiyo, lalong-lalo na ang mga kababaihan (Deuteronomio 24:1-4). Binigyang-diin ni Hesus na ang naturang mga batas ay ibinigay dahil sa katigasan ng puso ng mga tao, at hindi dahil sa ito ang orihinal na kagustuhan ng Diyos (Mateo 19:8).
Ang kontrobersya na ang diborsiyo at pag-aasawang muli ay pinapayagan sa Bibliya ay nag-ugat sa mga sinabi ni Hesus sa aklat ng Mateo 5:32 at 19:9. Ang salitang “maliban lamang sa pangangalunya” ay ang tanging mga salita sa Kasulatan na tila ipinahihintulot ng Diyos ang diborsiyo at pag-aasawang muli. Marami ang nakakaunawa sa nasabing “malibang talata” na tumutukoy sa “pangangalunya” sa panahon pa lamang ng kasunduang magpakasal. Sa kulturang hudyo, ang babae at lalaki ay ipinalalagay nang magasawa kahit na sila ay nagkasundo pa lamang na magpakasal. Ang imoralidad lamang sa panahon ng “kasunduang magpakasal” ang siyang maaaring maging sapat na dahilan para sa diborsiyo. Gayon man, ang salitang Griyego na isinalin sa “pangangalunya” ay maaaring mangahulugan ng kahit anong uri ng sekswal na imoralidad. Maaari itong mangahulugan ng pakikiapid, prostitusyon at iba pa. Posibleng sinasabi ni Hesus na pinapayagan ang diborsyo kung may naganap na sekswal na imoralidad sa pagitan ng magasawa. Ang relasyong sekswal ay ang kabuuan at importanteng sangkap ng pag-aasawa, “Ang dalawa ay magiging isa” (Genesis 2:24; Mateo 19:5; Efeso 5:31).
Samakatuwid, ang pagsuway o pagsalungat sa nasabing probisyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng relasyong sekswal na labas sa kasal ay maaring sapat na dahilan para sa diborsiyo. Nasa isip rin ni Hesus ang isyu ng pag-aasawang muli sa talatang ito. Ang talatang “at magasawa ng iba” (Mateo 19:9) ay nagpapakita na ang diborsiyo at pag-aasawang-muli ay pinapayagan kung nakapailalim ito sa talatang “maliban.” Napakakahalagang ipaalala na tanging ang inosenteng partido lamang ang pinapayagang magasawang muli. Kahit na hindi ito isinasaad sa teksto, ang pahintulot para makapag-asawang muli matapos ang diborsiyo ay dahil sa habag ng Diyos sa taong nagawan ng kasalanan, at hindi sa taong gumawa ng sekswal na imoralidad. Maaaring may mga pagkakataon na ang nagkasalang partido ay pinapayagang magasawang muli - subalit ang konseptong ito ay hindi itinuturo sa mga talatang nabanggit.
Ipinalalagay ng iba na ang 1 Corinto 7:15 ay isa pang bukod tanging dahilan na tila nagbibigay pahintulot sa pag-aasawang muli, kung ang hindi mananampalatayang asawa (lalaki) ay hiniwalayan ang kanyang mananampalatayang asawa (babae) dahilan sa pananampalataya ng babae kay Hesu Kristo. Gayon man, hindi binanggit sa nasabing konteksto ang pag-aasawang muli, sa halip ito'y nagsasabi lamang na ang isang mananampalataya ay hindi na obligadong ipagpatuloy pa ang kanilang pagsasama kung gusto nang makipaghiwalay ng kanyang asawa na hindi mananampalataya. Sinasabi rin ng iba na ang pang-aabuso (sa asawa man o sa anak) ay sapat na dahilan para sa diborsiyo kahit na hindi ito nakasulat sa Bibliya. Maaaring ganito ang kaso, subalit hindi pa rin kailanman matalinong hakbang na gawin ang isang bagay na hindi tuwirang sinabi sa Salita ng Diyos. Kung minsan ang katotohanan na sa kabila ng ano man ang ibig sabihin ng “pangangalunya,” ito ay hindi sapat na dahilan para sa diborsiyo, at hindi pangangailangan para sa diborsiyo. Kahit na nakagawa ng pakikiapid ang isa sa magasawa, maaari pa ring matutong magpatawad ang nagawan ng pagkakasala sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at muling simulan ang pagtatayong muli ng kanilang buhay bilang magasawa.
Pinatawad tayo ng Diyos. Maaari nating sundin ang halimbawa ng Diyos na patawarin ang kasalanan ng pakikiapid (Efeso 4:32). Gayon man, sa maraming pagkakataon, hindi nagsisisi ang asawa at ipinagpapatuloy pa rin ang kanyang sekswal na imoralidad. Sa ganitong pagkakataon, maaaring gamitin ang sinasabi sa Mateo 19:9. Marami din ang nagnanais na makapag asawang muli matapos ang diborsiyo at hindi na nila tinitingnan ang posibilidad na maaaring ang kagustuhan ng Diyos sa kanila ay manatiling walang asawa. Kung minsan tinatawag ng Diyos ang isang tao na manatiling walang asawa upang hindi mahati ang kanyang atensyon (1 Corinto 7:32-35). Ang pag-aasawang muli matapos ang diborsiyo ay ikunsidera sa ilang pagkakataon, subalit hindi ibig sabihin na ito na lamang ang tanging pagpipilian.
English
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa legal na paghihiwalay o diborsiyo at pag-aasawang-muli?