Tanong
Ano ang mga hakbang sa kaligtasan?
Sagot
Maraming tao ang naghahanap ng “mga hakbang sa kaligtasan.” Gustong gusto ng mga tao na ang kaligtasan ay gaya sa isang instruction manual na may limang hakbang at kung susundin ang mga hakbang na iyon makakamit nila ang kaligtasan. Ang isang halimbawa nito ay ang “Limang Haligi” ng relihiyong Islam. Ayon sa Islam, kung tapat mong susundin ang limang haliging ito ay ibibigay sa iyo ng Diyos ang kaligtasan. Dahil ang ideya ng pagkakaroon ng mga hakbang ng kaligtasan ay kahali-halina, marami sa mga Kristiyanong komunidad ang nagkakamali sa pagpapahayag na ang kaligtasan ay resulta ng pagsunod ng tao sa isang proseso o paggawa ng mga hakbang. Ang mga Romano Katoliko ay may 7 sakramento. Samantalang maraming denominasyon naman sa Kristiyanismo ang idinadagdag ang bawtismo, pagpapatotoo, kabanalan, pagsasalita ng ibang wika at marami pang iba bilang mga hakbang sa kaligtasan. Ngunit may isa lamang hakbang sa kaligtasan na itinuturo ang Bibliya. Nang tanungin ng bantay bilanggo sa Filipos si Pablo, “ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” sumagot si Pablo, “sumampalataya ka sa Panginoong Hesu Kristo at maliligtas ka” (Gawa 16:30-31).
Ang pananampalataya kay Hesu Kristo ang nagiisang “hakbang” sa kaligtasan. Ang mensahe ng Bibliya ay napakalinaw. Lahat tayo ay nangagkasala sa Diyos (Roma 3:23). Dahil sa ating mga kasalanan, karapatdapat lamang na tayo ay mahiwalay ng walang hanggan sa Diyos (Roma 6:23) sa apoy ng impiyerno. Ngunit dahil sa dakilang pagibig Niya sa atin (Juan 3:16), nagkatawang tao ang Diyos at namatay alang alang sa atin at inako ang kaparusahan na nararapat na tayo ang tumanggap (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21). Ipinangako ng Diyos ang kapatawaran mula sa mga kasalanan at buhay na walang hanggan sa langit sa sinumang tatanggap sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo bilang tanging Tagapagligtas (Juan 1:12; 3:16; 5:24; Gawa 16:31).
Ang pagtatamo ng kaligtasan ay hindi dahil sa pagsunod sa mga hakbang o pagkumpleto ng anumang proseso. Oo, kailangang ang isang Kristiyano ay mabawtismuhan, kailangan din niyang ipahayag sa publiko ang kanyang pananampalataya kay Kristo bilang Tagapagligtas. Gayundin naman kailangan din niya na lumayo siya sa kasalanan at isuko ang lahat sa kanyang buhay dahil sa pagsunod kay Hesus. Gayunman, ang mga ito ay hindi hakbang upang magkamit ng kaligtasan. Ang mga ito ay mga bunga lamang ng kaligtasan. Dahil sa ating mga kasalanan, walang kahit anong hakbang ang makapagdadala sa atin sa langit. Puwede tayong makasunod kahit sa isang libong mga hakbang ngunit hindi pa rin iyon magiging sapat. Iyan ang dahilan kung bakit kailangang mamatay ng Panginoong Hesu Kristo upang akuin ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Wala tayong kahit anong kakayahan upang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos o linisin man ang ating sariling mga kasalanan. Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang iligtas tayo at ginawa nga Niya iyon. Ang Diyos mismo ang gumanap ng mga hakbang at pagkatapos ay ibinibigay ng walang bayad ang kaligtasan sa sinumang magsisisi at tatanggap sa Panginoong Hesus.
Ang kaligtasan at kapatawaran ay hindi dahil sa pagsunod o pagkumpleto ng anumang mga hakbang. Ito ay sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesus bilang Tagapagligtas at pagtitiwala sa Kanyang ginawa para sa atin. Ang hinihingi ng Diyos sa atin ay isa lamang “hakbang,” ang tanggapin si Hesu Kristo bilang tanging Tagapagligtas at buong pusong magtiwala sa Kanya lamang para sa ating kaligtasan. Iyan ang pagkakaiba ng pananampalatayang Kristiyano sa ibang relihiyon sa mundo kung saan kailangan ng isang taong kumpletuhin ang mga listahan ng mga dapat gawin at hindi dapat gawin upang maligtas. Kinikilala ng pananampalatayang Kristiyano na ginawa na ng Diyos ang mga kinakailangang hakbang para sa ikaliligtas ng tao at tinatawag Niya tayo na tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ang kaligtasan na ginawa na ng Diyos.
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Ano ang mga hakbang sa kaligtasan?