Tanong
Paano ako hindi mapupunta sa impiyerno?
Sagot
Ang hindi pagpunta sa impiyerno ay hindi madali kaysa sa iyong iniisip. May mga taong naniniwala na kung susundin lang nila ang sampung utos sa buong buhay nila sa lupa ay hindi na sila mapupunta sa impiyerno. May mga tao naman na naniniwala na kung susundin nila ang ilang mga seremonyang panrelihiyon o mga ritwal ay hindi na sila mapupunta sa impiyerno. May mga tao din naman na naniniwala na walang paraan upang malaman kung ang isang tao ay mapupunta o hindi mapupunta sa impiyerno. Wala sa mga pananaw na ito ang tama. Ang Bibliya ay malinaw na nagtuturo kung paanong ang isang tao ay hindi mapupunta sa impiyerno pagkatapos niyang mamatay sa lupa.
Inilalarawan ng Biblia ang impiyerno na isang “nakakatakot at kahindik hindik na lugar.” Ang impiyerno ay inilarawan na isang “walang hanggang apoy” (Mateo 25:41), “apoy na hindi namamatay” (Markos 9:44-49) at “walang hanggang pagdurusa” (2 Tessalonica 1:9). Inilarawan sa Pahayag 20:10 ang impiyerno na “lawa ng naglalaglab na asupre” kung saan ang masama ay “parurusahan araw at gabi magpakailan man.” Kaya nga ang Impiyerno ay isang lugar na kailangang kailangang iwasan.
Bakit mayroong impiyerno at bakit dadalhin ng Diyos ang ibang tao doon? Sinasabi ng Bibliya na naghanda ang Diyos ng lugar para kay Satanas at sa kanyang mga anghel pagkatapos na sila ay lumaban sa Kanya (Mateo 25:41). Yaong mga tumanggi sa Diyos at sa kanyang pagpapatawad ay magdadanas na kaparehong kaparusahan na daranasin ni Satanas at ng kanyang mga anghel. Bakit kailangan ang impiyerno? Lahat ng kasalanan ay hindi ginawa ng tao kung kaninuman kundi sa Diyos (Awit 51:4), at dahil ang Diyos ay walang hanggan, tanging ang walang hanggang parusa lamang ang makasasapat sa kanyang walang hanggang hustisya. Ang impiyerno ay lugar kung saan ang makatarungang hustisya ng Diyos ay kanyang inilalapat sa mga nagkasala sa Kanya. Ang impiyerno ay ang lugar kung saan niya sinusumpa ang kasalanan at ang lahat ng tumatanggi sa Kanya. Nilinaw ng Bibliya na lahat tayo ay nagkasala laban sa Diyos (Mangangaral 7:20; Roma 3:10-23), at ang dahil dito, tayong lahat ay karapatdapat na mapunta sa impiyerno.
Paano tayo hindi mapupunta sa impiyerno? Dahil tanging ang walang hanggang kabayaran lamang ang sasapat, ang nararapat na kabayaran ay walang hanggan din naman. Ang Diyos ay nagkatawang tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo, ang Diyos ay namuhay kasama ng tao, nagturo, nagpakain at nagpagaling ng mga karamdaman, ngunit hindi ang mga ito ang kanyang misyon. Ang Diyos ay naging tao (Juan 1:1, 14) upang Siya'y mamatay para sa atin. Si Hesus ang Diyos na nagkatawang tao na namatay sa krus. Bilang tunay na Diyos, ang Kanyang kamatayan ay walang katumbas ang halaga at sapat na pambayad sa kasalanan (1 Juan 2:2). Nais ng Diyos na tanggapin natin si Hesus bilang ating tanging Tagapagligtas at tanggapin na ang Kanyang kamatayan lamang ang sapat na pambayad sa ating mga kasalanan. Ipinangako ng Diyos na ang sinumang sasampalataya kay Hesus (Juan 3:16), at magtitiwala sa Kanya bilang tanging Tagapagligtas (Juan 14:6) ay hindi na mapupunta sa impiyerno.
Hindi ikinasisiya ng Diyos na ang sinuman ay pumunta sa impiyerno (2 Pedro 3:9). Ito ang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang kanyang Anak na si Hesus bilang walang kapantay, perpekto at sapat na handog para sa mga kasalanan. Kung nais mo na hindi mapunta sa impiyerno, tanggapin mo at kilalanin si Hesus na tanging Tagapagligtas. Ipahayag mo sa Diyos ang iyong pagkilala na ikaw ay isang makasalanan at karapatdapat kang mapunta sa impiyerno. Magisisi ka sa iyong mga kasalanan at ilagak mo ang iyong patitiwala kay Hesus bilang iyong tanging Tagapagligtas. Pasalamatan mo Siya sa pagkakaloob sa iyo ng paraan upang hindi ka mapunta sa impiyerno. Ilagak mo ang iyong buong pagtitiwala kay Hesus bilang iyong tanging Tagapagligtas. Tanging si Hesus lamang makapagliligtas sa iyo sa apoy ng impiyerno!
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Paano ako hindi mapupunta sa impiyerno?