Tanong
Papaano ko mapagtatagumpayan ang kasalanan sa aking buhay Kristiyano?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya na kailangan nating mapagtagumpayan ang ating mga kasalanan at ito ay sa pamamagitan ng mga sumusunod:
(1) Banal na Espiritu - ay isang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos upang maging matagumpay tayo sa ating pamumuhay bilang Kristiyano. Pinaghambing ng Diyos ang mga gawa ng laman at ang bunga ng Banal na Espiritu sa aklat ng Galacia 5:16-25. Sa mga nasabing talata tayo'y tinawag upang lumakad sa Espiritu. Ang lahat ng mga mananampalataya ay mayroon nang Banal na Espiritu ngunit nabanggit sa nasabing talata na tayo ay nararapat ding lumakad sa Espiritu at dapat na nakahanda lagi sa pagsunod sa kanyang kalooban. Sa ibang salita, dapat tayong laging handang sumunod sa gabay at kalooban ng Banal na Espiritu sa halip na sumunod sa kagustuhan ng ating laman.
Ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa buhay ng isang mananampalataya ay ipinakita sa buhay ni Pedro. Bago siya napuspos ng Banal na Espiritu itinatwa niya si Hesus ng tatlong beses. Ginawa niya ito pagkatapos niyang sabihin kay Hesus na handa siyang sumunod sa Kanya hanggang sa Kanyang kamatayan. Ngunit matapos siyang tumanggap at mapuspos ng Banal na Espiritu, nagsalita siya ng buong tapang sa harap ng mga Hudyo tungkol sa kanyang Tagapagligtas.
Ang isang tao ay lumalakad sa Espiritu kung hindi niya binabalewala ang Kanyang paggabay (kagaya sa sinasabi ng 1 Tesalonica 5:19) sa halip mas ninanasa niyang mapuspos siya ng Espiritu (Efeso 5:18-21). Papaano ba mapupuspos ng Espiritu ang isang tao? Una sa lahat, ito ay naaayon sa pagpili ng Diyos. Pinili Niya ang ilang tao at mga pangyayari sa Lumang Tipan at inilagay Niya roon ang Kanyang mga pinili at inatasan ang mga ito na tapusin ang gawain na gusto Niyang ipagawa (Genesis 41:38; Exodo 31:3; Bilang 24:2; 1 Samuel 10:10; at iba pa). Naniniwala kami sa sinasabi sa Efeso 5:18-21 at Colosas 3:16 na pinupuspos ng Espiritu ng Diyos ang mga taong pinupuspos ang kanilang mga sarili ng Salita ng Diyos. At ito ang nagdadala sa atin sa isa pang kaparaanan upang mapagtagumpayan ang kasalanan.
(2) Salita ng Diyos, Ang Bibliya - Sinasabi sa 2 Timoteo 3: 16-17 na ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Salita upang maging handa tayo sa lahat ng mabubuting gawa. Itinuturo sa atin kung paano mamuhay at kung ano ang dapat nating paniwalaan. Inihahayag din sa atin ng Bibliya kung maling landas na ang pinili natin at tinutulungan tayo nito upang makabalik sa tamang landas, at ginagabayan tayo upang manatili sa tamang landas. Sinasabi sa Hebreo 4:12 “Sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakakataho ng mga iniisip at binabalak ng tao.” Sinasabi din ng Salmista na may kapangyarihan itong makapagbago ng buhay ng tao sa Awit 119: 9, 11, 105 at iba pang mga talata. Sinabihan rin ng Diyos si Josue na ang susi sa kanyang pagtatagumpay laban sa kanyang mga kalaban ay huwag kalimutan ang Salita ng Diyos, sa halip pagbulay-bulayan ito araw man o gabi upang masunod niya ito. Sinunod niya ito, at ito ang naging susi ng kanyang tagumpay sa pakikipaglaban upang maangkin ng mga Israelita ang lupang ipinangako ng Diyos.
Kung minsan, hindi natin sineseryoso ang Salita ng Diyos. Dinadala natin ang ating mga Bibliya sa bahay sambahan, nagbabasa tayo ng mga aklat debosyonal o nagbabasa tayo ng isang kabanata bawat araw, subalit bigo tayong isaisip, pagnilay-nilayan at isabuhay ang mga ito. Hindi rin tayo humihingi ng tawad sa mga kasalanang ipinapakita sa atin ng Bibliya at higit sa lahat bigo rin tayong papurihan ang Diyos sa mga kaloob na sinasabi ng Bibliya na ibinigay Niya sa atin. Hindi natin pinagtutuunan ng pansin ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Maaaring nagbabasa lang tayo kung pumupunta tayo sa bahay sambahan o di kaya’y madalas nga tayong nagbabasa ng Bibliya ngunit hindi naman natin ito pinagiisipan at pinagbubulay-bulayan ng mas matagal na panahon upang mas lalong lumago ang ating buhay espiritwal.
Napakahalaga na kung hindi mo pa nakaugaliang pagaralan ang salita ng Diyos araw-araw, at hindi mo pa rin itinatanim sa isipan ang mga talata sa Bibliya na inihahayag sa iyong puso ng Banal na Espiritu, dapat mo ng simulang gawin ito ngayon.
Hinihikayat rin kitang magsimula na sumulat sa isang talambuhay, maaaring sa kompyuter man o kaya ay sa isang notebook. Huwag mong tatapusin ang pagbubulay ng Salita ng Diyos na wala kang naisulat na makatutulong sa paglago ng iyong buhay espiritwal. Isinusulat ko palagi ang mga panalangin ko sa Diyos na tulungan Niya akong baguhin at alisin ang aking mga kahinaan at mga kasalanang inihahayag Niya sa akin na dapat kong baguhin. Ang Bibliya ay ginagamit ng Banal na Espiritu upang baguhin ang ating buhay at ang buhay ng iba (Efeso 6:17). Ito'y isang napakahalagang sangkap ng kalasag na ibinigay sa atin ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pakikipaglaban sa kasalanan! (Efeso 6: 12-18).
(3) Panalangin - Ito ay isa ring napakahalagang gawain na ibinigay sa atin ng Diyos. May mga dalanging lumalabas sa bibig ng mga Kristiyano subalit bigo naman silang gawin iyon. Mayroon tayong mga pagtitipon para manalangin, panahon sa pananalangin at iba pa subalit hindi natin minsan makita ang totoong gamit nito kagaya ng ibinigay na halimbawa ng mga naunang mga mananampalataya (Gawa 3:1; 4:31; 6:4; 13:1-3 at iba pa.). Paulit-ulit na binanggit ni Pablo kung paano siya nananalangin para sa mga taong kanyang pinaglilingkuran. Tayo kaya, kailan kaya natin gagamitin ang napakalaking pribiliheyong ito na binigay sa atin ng Diyos? Binigyan tayo ng Diyos ng pangako sa ating mga panalangin (Mateo 7:7-11; Lukas 18:1-8; Juan 6:23-27; 1 Juan 5:14-15, at iba pa). Isinama din ni Pablo ang panalangin bilang sangkap sa paghahanda sa labanang espiritwal (Efeso 6:18).
Gaano ba kahalaga ang panalangin sa isang Kristiyano? Kung babalikan natin ang buhay ni Pedro, maaalala natin ang sinabi ni Hesus sa kanya sa hardin ng Gethsemane bago niya Siya itatwa ng tatlong beses. Doon, habang nananalangin si Hesus, natutulog naman si Pedro. Ginising siya ni Hesus at sinabihang, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang Espiritu’y nakahanda subalit mahina ang laman” (Mateo 26:41). Ikaw, kagaya ni Pedro, maaaring gusto mong gawin kung ano ang tama subalit walang kang lakas na gawin iyon. Kailangan nating sundin ang paalala ng Diyos na patuloy tayong maghanap, patuloy na kumatok, at patuloy na humingi sa pamamagitan ng panalangin. At ibibigay Niya ang kinakailangan nating lakas (Mateo 7:7-9).
Hindi ko sinasabing ang panalangin ay parang isang mahika. Ito'y hindi isang mahika. Ang panalangin ay simpleng pag-amin sa ating limitasyon at pagtitiwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at ang pagdulog sa Kanya ay upang humingi ng kalakasan na magawa natin ang mga bagay na gusto Niyang ipagawa sa atin, hindi ang mga bagay na gusto nating gawin (1 Juan 5:14-15).
(4) Iglesya - Kung minsan binabalewala rin natin ang Iglesya. Noong isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad, pinahayo Niya ang mga ito ng dala-dalawa (Mateo 10:1). Kung babasahin natin ang mga paglalakbay sa pagmimisyon sa aklat ng mga Gawa, hindi sila humayo ng nag-iisa, sa halip umalis sila ng grupo, dala-dalawa o mas higit pa. Sinabi ni Hesus na kung may dalawa o tatlo na nagtitipon sa Kanyang Pangalan, naroon Siya sa kanilang kalagitnaan (Mateo 18:20). Inutusan rin tayo ni Hesus na huwag kaligtaan ang pagtitipon ng mga mananampalataya at gamitin ang pagkakataong iyon upang palakasin ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng pag-ibig at mabubuting gawa (Hebreo 10:24-25). Sinabi rin ni Hesus na ipahayag natin ang ating mga nagawang kasalanan sa iba (Santiago 5:16). Sinasabi sa Lumang Tipan, “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan” (Kawikaan 27:17). “Ang lubid na may tatlong pilipit ay hindi agad nalalagot” (Mangangaral 4:11-12). May lakas ang mas marami
Ang ilan sa mga kakilala ko ay humanap ng kapatid sa pananampalataya at nagkikita sila ng personal o naguusap sa pamamagitan ng telepono at ibinabahagi nila sa isa't-isa ang kani-kanilang mga karanasan sa kanilang buhay Kristiyano, kung papaano sila nahihirapan at iba pang mga karanasan, at nangangako sila na mananalangin para sa isa't-isa upang maisapamuhay ang Salita ng Diyos.
Kung minsan ay napakabilis mangyari ng pagbabago. Kung minsan naman, mabagal ito. Subalit ipinangako sa atin ng Diyos na kung isasapamuhay natin ang Kanyang mga Salita, babaguhin Niya ang ating mga buhay. Magtiyaga tayo dahil alam naman nating tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako!
English
Papaano ko mapagtatagumpayan ang kasalanan sa aking buhay Kristiyano?