settings icon
share icon
Tanong

Ang pagka-Diyos ba ni Kristo ay nakasulat sa Bibliya?

Sagot


Hindi lamang inangkin ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos. Kinilala rin naman ng Kanyang mga alagad ang Kanyang pagka-Diyos. Sinabi nilang si Hesus ay may karapatang magpatawad ng kasalanan, isang bagay na tanging ang Diyos lang ang makagagawa, ito'y dahil ang Diyos rin naman ang nasasaktan kung nakakagawa tayo ng kasalanan (Mga Gawa 5:31; Colosas 3:13; Awit 130:4; Jeremias 31: 34). Si Hesus rin ang siyang hahatol sa mga nabubuhay at mga namatay na (2 Timoteo 4:1). Sinabi ni Tomas kay Hesus, “Aking Panginoon at aking Diyos!” (Juan 20: 28). Tinawag din Pablo si Hesus na “Dakilang Diyos at Tagapagligtas” (Tito 2:13), at binigyang-diin na bago pa man isinilang si Hesus sa mundo Siya ay nabubuhay na Siya bilang Diyos (Filipos 2:5-8). Ito ang sinabi ng manunulat ng aklat ng Hebreo tungkol kay Hesus: “Ang Iyong kaharian, O Diyos, ay mananatili magpakailan pa man” (Hebreo 1:8). Sinabi rin ni Juan “Sa pasimula pa'y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos” (Juan 1: 1).


Marami pang mga halimbawa sa Bibliya na nagpapatunay sa pagka-Diyos ni Kristo (Tingnan ang aklat ng Pahayag 1: 17; 2: 8; 22: 13; 1 Corinto 10: 4; 1 Pedro 2: 6-8; Awit 18: 2; 95: 1; 1 Pedro 5: 4; Hebreo 13: 20), at kahit alin man sa mga ito ay sapat na upang ipakitang si Hesus ay itinuturing na Diyos ng Kanyang mga alagad.

Binigyan rin si Hesus ng titulo na para lamang kay Yahweh (pormal na pangalan ng Diyos) sa Lumang Tipan. Ang titulo sa Lumang Tipan para kay Yahweh na “Ang Manunubos” (Awit 130: 7; Hosea 13: 14) ay ginamit din para kay Hesus sa Bagong Tipan (Titus 2:13; Pahayag 5:9). Tinawag din si Hesus na Immanuel (“Ang Diyos ay nasa atin” sa Mateo 1). Sa Aklat ng Zacarias 12:10, si Yahweh ang nagsabing, “Titingnan nila Ako, ang kanilang sinibat at sinaksak.” Subalit sa Bagong Tipan tumutukoy ito sa pagpako kay Hesus sa krus (Juan 19: 37; Pahayag 1:7). Kung ang Diyos ang nagsabi na Siya ay sinibat at sinaksak at tiningnan at si Hesus ay sinibat at sinaksak at tiningnan, samakatuwid si Hesus ay Diyos. Ipinaliwanag ni Pablo ang aklat ng Isaias 45:22-23 na tumutukoy kay Hesus sa Filipos 2:10-11. Gayon din naman, ang pangalan ni Hesus ay ginagamit kasabay ng pangalan ng Diyos sa mga panalangin, “biyaya at kapayapaan ang sumasainyo mula sa ating Diyos at Panginoong Hesu Kristo” (Galacia 1:3; Efeso 1:2). Ito ay maituturing na pamumusong sa Diyos kung si Hesus ay hindi totoong Diyos.

Ang pangalan ni Hesus ay binibigkas rin kasabay ng pangalan ng Diyos Ama noong ipag-utos ni Hesus ang pagbabautismo “Sa pangalan (isahan) ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28: 19). Tingnan din ang 2 Corinto 13:14. Sa aklat ng Pahayag sinabi ni Juan na ang lahat ng mga nilalang ay magpupuri kay Kristo (Ang Kordero). Kung gayon si Hesus ay hindi isa sa mga nilalang sa halip Siya ang lumalang (5:13).

Ang mga himala na tanging ang Diyos lamang ang makakagawa ay nagawa rin ni Hesus. Hindi lamang bumuhay si Hesus ng patay (Juan 5:21; 11:38-44), at pinatawad ang mga kasalanan (Mga Gawa 5:31; 13: 38). Ginawa rin Niya at patuloy na iniingatan ang buong sangnilikha (Juan 1:2; Colosas 1: 16-17)! Ang katototohanang ito ay mas lalo pang magpapatibay ng pagka-Diyos ni Kristo kung pinaniniwalaan natin ang sinabi ni Yahweh na nag-iisa lamang Siya noong panahon ng paglalang (Isaias 44:24). Ang ibig sabihin ang Diyos Ama at si Hesus ay Diyos. Si Hesus ay mayroon ding mga katangian na tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay: Siya ay walang hanggan (Juan 8:58), Siya ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon (Mateo 18:20, 28:20), alam Niya ang lahat ng mga bagay (Mateo 16:21), at makapangyarihan Siya sa lahat (Juan 11: 38-44).

Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pagka Diyos sa pamamagitan ng mga himalang Kanyang ginawa maging ng Kanyang pagkabuhay mula sa mga patay. Ang ilan sa mga himalang ginawa ni Hesus ay: ginawang alak ang tubig (Juan 2:7), lumakad sa ibabaw ng tubig (Mateo 14:25), nagparami ng mga bagay na pisikal (Juan 6:11), nagpagaling sa bulag (Juan 9:7), sa pilay (Marcos 2:3), at sa mga maysakit (Mateo 9:35; Marcos 1: 40-42), at maging ang pagbuhay sa mga tao mula sa kamatayan (Juan 11:43-44; Lucas 7: 11-15; Marcos 5: 35). Higit pa rito, Si Hesus mismo ay nabuhay mula sa kamatayan. Kung ikukumpara ang pagkabuhay ni Kristo sa mga diumano ay namatay at nabuhay na mag-uling mga diyus-diyosan ng mga pagano, hindi ito maihahambing sa pagkabuhay ni Kristo na pinatunayan ng napakaraming mga saksi at ng Biblia. Ayon pa kay Dr. Gary Habermas, may labindalawang katotohanan sa kasaysayan na tinatanggap kahit ang mga hindi Kristiyanong iskolar.

1. Namatay si Hesus sa pamamagitan ng pagpako sa krus.
2. Siya’y inilibing.
3. Ang Kanyang kamatayan ay naging daan upang mawalan ng pag-asa at malungkot ang Kanyang mga alagad.
4. Natuklasan ang libingan ni Hesus na walang laman ilang araw matapos Siyang ilibing.
5. Nasaksihan ng mga alagad ang pagpapakita ng nabuhay na Hesus.
6. Matapos ito, naging matatag ang pananampalataya ng Kanyang mga alagad mula sa pagaalinlangan.
7. Ang mensaheng ito ay inihayag sa unang grupo ng mananampalataya.
8. Ang mensaheng ito ay inihayag sa Jerusalem.
9. Dahil sa mensaheng ito, ang Iglesya ay natatag at dumami ang bilang ng mga mananampalataya.
10. Ang araw ng pagkabuhay ni Kristo, (araw ng Linggo) ay ipinalit sa araw ng pamamahinga (Sabado) bilang araw ng pagsamba.
11. Nagbalik-loob si Santiago nang makita niya ang nabuhay na mag-uling Hesus.
12. Si Pablo na kaaway ng Kristiyanismo, ay nagbalik-loob dahil sa pagpapakita sa kanya ng nabuhay na mag-uling Hesus.

Kahit na ayaw ng ilan na maniwala sa mga pangyayaring ito, kakaunti lamang ang kakailanganin para patunayan ang muling pagkabuhay ni Hesus para itatag ang ebanghelyo: ang pagkamatay, paglibing, muling pagkabuhay at ang muling pagbabalik ni Kristo (1 Corinto 15:1-5). Habang may ibang teorya na nagpapaliwanag sa isa o dalawa sa mga katotohanang nakasulat sa itaas, tanging ang muling pagkabuhay lamang ang siyang makakapagpatunay sa kanilang lahat. Inaamin ng mga kritiko na nakita ng mga alagad ang muling nabuhay na si Hesus. Hindi kayang baguhin ng kasinungalingan ang buhay ng mga tao sa paraang ginawa ng muling pagkabuhay. Una, ano ba ang kanilang pakinabang? Hindi noon tanyag ang Kristiyanismo at hindi rin sila nito payayamanin. Pangalawa, ang mga sinungaling ay hindi nagiging mabuting martir. Wala nang mas maganda pang paliwanag sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus kundi ang kahandaan ng mga alagad na mamatay para sa kanilang pananampalataya. Oo, maraming tao ang namatay dahil sa mga kasinungalingang akala nila ay totoo, subalit walang namamatay para sa kanilang nalalaman na alam nilang isa lamang kasinungalingan.

Sa huli, Inangkin ni Hesus na Siya at ang Diyos Ama ay iisa. Siya ay totoong Diyos at ang Kanyang mga tagasunod ay naniniwala sa Kanya at tinawag Siyang Diyos. Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawang himala at ng Kanyang muling pagkabuhay. Walang anumang pangangatwiran ang makakapagpabulaan sa mga katotohanang ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagka-Diyos ba ni Kristo ay nakasulat sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries