Tanong
Ano ang pananaw ng Kristiyano sa pagpapakamatay? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakamatay?
Sagot
Ayon sa Bibliya, kung ang isang tao ay magpakamatay hindi ito ang magtatakda kung makapapasok ba siya sa langit o hindi. Kung ang isang hindi mananampalataya ay magpakamatay, wala siyang ginawa kundi ang padaliin ang kanyang pagpunta sa impyerno. Gayon man, ang taong nagpakamatay ay mapupunta sa impiyerno hindi dahil sa siya ay nagpakamatay kundi dahil sa pagbalewala niya sa kaligtasang ipinagkakaloob ni Kristo. Binanggit ng Bibliya ang apat na partikular na mga tao na nagpakamatay: Saul (1 Samuel 31:4), Ahithophel (2 Samuel 17:23), Zimri (1 Hari 16:18), at Judas (Mateo 27:5). Bawat isa sa kanila ay masama, asal-demonyo, at makasalanan. Itinuturing ng Bibliya ang pagpapakamatay na kapantay ng pagpatay sa tao (murder) - dahil ito'y pagpatay sa sarili. Ang Diyos lamang ang dapat na magdesisyon kung kailan at paano mamamatay ang isang tao. Kung kukunin mo ang desisyong iyon at ilalagay mo sa iyong sariling mga kamay, ayon sa Bibliya, ito'y isang pagkutya sa Diyos.
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya sa isang Kristiyanong nagpakamatay? Hindi ako naniniwala na kung ang magpakamatay ang isang Kristiyano ay mawawala ang kanyang kaligtasan at mapupunta siya sa impiyerno. Itinuturo ng Bibliya na sa sandaling ang isang tao ay tapat na manampalataya kay Kristo, siya ay ligtas na at hindi na mapapahamak kailanman (Juan 3:16) Ayon pa sa Bibliya, maaaring matiyak ng mga Kristiyano ng walang pagdududa na mayroon na silang buhay na walang hanggan anuman ang mangyari. “Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo na nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos, upang malaman ninyo na mayroon na kayong buhay na walang hanggan, upang magpatuloy kayo sa pananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos” (1 Juan 5:13). Walang sinuman ang makapaghihiwalay sa isang Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos! “Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon (Romans 8:38-39).”
Kung walang nilalang ang makapaghihiwalay sa isang Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos, kahit na ang Kristiyanong nagpakamatay ay maituturing din na “nilalang,” samakatuwid kahit na ang pagpapakamatay ay hindi makapaghihiwalay sa kanya sa pag-ibig ng Diyos. Namatay si Hesus para sa lahat ng ating mga kasalanan at kung ang isang totoong kristiyano ay nagpakamatay dahil sa pag-atake ng kaaway at kahinaang espiritwal, kahit ang kasalanang iyon ay kinamatayan ni Hesus. Hindi ko sinasabi na ang pagpapakamatay ay hindi isang seryosong kasalanan laban sa Diyos. Ayon sa Bibliya, ang pagpapakamatay ay pagpatay, ito ay laging kasalanan. Ngunit mayroon akong seryosong pagdududa kung totoo nga ba ang pananampalataya ng sinumang nagaangkin na siya ay isang Kristiyano ngunit nagawa pa ring magpakamatay. Walang kahit anong paraanupang bigyang katwiran ang kasalanan ng sinuman kahit pa ang isang kristiyano na kumitil sa kanyang sariling buhay. Ang mga Kristiyano ay tinawag upang gugulin ang kanilang mga buhay para sa Diyos - ang desisyon kung kailan ka mamamatay ay tanging sa Diyos lamang. Ang isang magandang paraan para ilarawan ang pagpapakamatay para sa isang Kristiyano ay ang aklat ng Esther. Sa bansang Persia, mayroon silang batas na ang sinumang lalapit sa hari ng hindi iniimbita ay maaaring patayin maliban na lang kung itututok nito ang kanyang baton sa iyo bilang simbolo ng pagtanggap at kaawaan. Ang pagpapakamatay para sa isang Kristiyano ay tulad paglapit sa hari ng hindi ka niya ipinatatawag. Itututok niya ang kanyang baton sa iyo, at kaaawaan ka, subalit hindi siya masaya sa iyong ginawa. Kahit na hindi ito ganap na makapaglalarawan ng pagpapakamatay ng isang Kristiyano, ang 1 Corinto 3:15 ay maaaring makapaglarawan kung ano ang mangyayari sa isang nagpakamatay na Kristiyano: “Gayon man, maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy.”
English
Ano ang pananaw ng Kristiyano sa pagpapakamatay? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakamatay?