Tanong
Pagpunta sa langit - Paano ko matitiyak ang aking destinasyon sa walang hanggan?
Sagot
Kailangang harapin natin ang katotohanan. Ang araw ng paglipat natin sa walang hanggan ay maaaring mas malapit kaysa sa iyong inaasahan. Sa paghahanda sa sandaling iyon, kailangan nating malaman ang katotohanang ito - hindi lahat ng tao ay pupunta sa langit. Paano tayo ngayon makatitiyak na kabilang tayo sa mga taong gugugulin ang walang hanggan sa langit? May dalawang libong taon na ang nakararaan, ang mga apostol na sina Pedro at Juan ay nangaral ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo sa isang malaking grupo ng tao sa Jerusalem. Doon sinambit ni Pedro ang isang napakahalagang katotohanan na hanggang ngayon ay ipinapahayag sa ating modernong panahon: “Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao” (Gawa 4:12).
Sa panahon ngayon marami ang nagsasabi na ang “lahat ng daan ay patungong langit” at hindi tinatanggap ang sinabi ni Pedro. Maraming tao ngayon ang naniniwala na maaari silang pumunta sa langit kahit hindi sa pamamagitan ni Hesus. Nais nila ang mga pangako ng kaluwahatian at kasaganaan ngunit ayaw nila ng krus, lalo’t higit ang ipinako at namatay doon para sa mga kasalanan ng mga sumasampalataya. Marami ang hindi tinatanggap si Hesus bilang tanging daan at naghahanap pa ng ibang daan. Ngunit nagbabala si Hesus na walang ibang daan na matatagpuan ang tao maliban sa Kanya at ang naghihintay na kaparusahan sa mga hindi mananampalataya sa Kanya ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno. Sinabi Niya, “Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi magkakaroon ng buhay---mananatili sa kanya ang poot ng Diyos” (Juan 3:36).
Sinasabi ng iba na napakakitid naman ng isip ng Diyos para magbigay ng isang daan lamang patungo sa langit. Ngunit sa kabaliktaran, sa sitwasyon ng mundo na laganap ang rebelyon at pagtanggi sa Diyos, napakalawak pa nga ng isipan ng Diyos na nagbigay pa Siya ng kahit isang daan patungo sa langit. Lahat tayo ay karapatdapat na parusahan ngunit nagbigay siya ng daan upang maligtas tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak na Siyang namatay para sa ating mga kasalanan. Kung titingnan man ito ng tao na makitid, ito ang katotohanan at dapat na panatilihin at panindigan ang katotohanang ito ng mga Kristiyano na may isang daan lamang patungo sa kalangitan at iyon ay ang Panginoong Hesu Kristo.
Maraming tao ngayon ang naniniwala sa mababaw na Ebanghelyo na hindi binibigyang diin ang pagsisisi sa mga kasalanan. Nais nila ang isang Diyos na puno lamang ng pag-ibig na hindi humahatol at hindi hinihingi sa tao ang pagsisisi at pagbabagong buhay. Sinasabi nila, “nanininiwala ako kay Hesu Kristo ngunit ang aking Diyos ay hindi humahatol at hindi Niya dadalhin ang sinumang tao sa impiyerno.” Ngunit hindi sa paraang gusto natin ang pagliligtas ng Diyos. Kung inaangkin natin na tayo ay mga Kristiyano, kailangang paniwalaan natin kung ano ang sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili - na Siya lamang ang tanging daan patungo sa langit. Ang pagtanggi sa katotohanang ito ay pagtanggi kay Hesus dahil Siya mismo ang nagsabi, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).
Ang katanungang ito ay nananatili: Sino ba talaga ang makapapasok sa Kaharian ng Diyos? Paano ko matitiyak ang aking destinasyon sa walang hanggan? Ang sagot sa katanungang ito ay malinaw na makikita sa pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may buhay na walang hanggan at sa mga taong walang buhay na walang hanggan. “Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay” (1 Juan 5:12). Yaong mga nananampalataya kay Kristo at tinanggap ang Kanyang handog bilang kabayaran ng kanilang mga kasalanan at sumusunod sa Kanya ay gugugulin ang walang hanggan sa langit. Ang mga tumanggi sa Kanya ay pupunta sa kapahamakang walang hanggan sa apoy ng impiyerno. “Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios” (Juan 3:18).
Kung paanong ang langit ay kamangha-mangha para sa mga sumasampalataya kay Hesus bilang Tagapagligtas, ang impiyerno naman ay kahindik hindik para sa mga taong tumatanggi sa Kanya. Ang ating mensahe para sa mga naliligaw ay magiging mas maalab kung nauunawaan natin ang katuwiran at hatol ng Diyos sa mga taong tumatanggi sa kapatawaran na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. Walang nagbabasa ng Biblia ang hindi mababasa ng paulit-ulit ang kundisyon ng Diyos. Malinaw na itinuturo ng Biblia na may isang daan lamang patungo sa kalangitan, ang Panginoong Hesu Kristo. Binigyan Niya ang tao ng babala: “Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon” (Mateo 7:13-14).
May isa lamang daan patungo sa langit at ang mga sumasampalataya at sumusunod sa kanya ay tiyak na makararating doon. Ngunit hindi lahat ay pumapasok sa makipot na pintuan. Kumusta ka kaibigan? Ano ang tinatahak mong daan?
Dahil sa iyong mga nabasa dito sa aming website, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Pagpunta sa langit - Paano ko matitiyak ang aking destinasyon sa walang hanggan?