Tanong
Ano ba ang panalangin ng kaligtasan?
Sagot
Maraming tao ang nagtatanong, “Mayroon bang panalangin na maggagarantiya ng aking kaligtasan?” Mahalagang malaman na ang kaligtasan ay hindi tinatanggap sa pamamagitan ng pagsambit ng isang panalangin o pagbigkas ng anumang salita. Hindi kailanman itinuro ng Bibliya na ang tao ay makatatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsambit ng isang panalangin. Kailanman, ang pagsambit ng isang panalangin ay hindi isang Biblikal na pamamaraan upang ang tao ay magtamo ng kaligtasan.
Ang Biblikal na kaparaanan sa kaligtasan ay ang pananampalataya kay Hesus. Sinasabi sa atin ng Juan 3:16, “Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Ang kaligtasan ay nararanasan sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8), sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesus bilang Tagapagligtas (Juan 1:12) at sa buong pusong pagtitiwala kay Hesus lamang (Juan 14:6; Gawa 4;12), hindi sa pamamagitan ng pagsambit ng isang panalangin.
Ang mensahe ng kaligtasan sa Bibliya ay simple at napakalinaw subalit kahanga-hanga din naman. Sinasabi ng Bibliya na tayong lahat ay nangagkasala (Roma 3:23). Maliban sa kay Hesu Kristo, wala ng sinuman ang nabuhay sa lupa nang hindi nagkasala ni minsan (Mangangaral 7:20). Dahil sa kasalanan, inani natin ang hatol ng Diyos (Roma 6:23) at ang hatol na iyon ay ang pisikal na kamatayan at kamatayang espiritwal. Dahil sa kasalanan, karapatdapat tayo sa kaparusahan ng Diyos at wala tayong anumang magagawa sa ating sarili upang tanggapin Niya tayo. Ngunit dahil sa dakilang pag-ibig Niya sa atin, ang Diyos ay nagkatawang tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Si Hesus ay nabuhay na Banal at itinuro ang katotohanan kung paano ang tao magkakamit ng kaligtasan. Gayunman, itinakwil Siya ng mga tao at ipinapatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Sa pamamagitan ng nakakakilabot na kamatayang iyon, si Hesus ay namatay para sa atin. Inako Niya ang hirap at ang hatol ng Diyos para sa ating mga kasalanan at namatay bilang ating kahalili (1 Corinto 5:21). Pagkatapos ng tatlong araw, nabuhay Siyang mag-uli (1 Corinto 15) upang patunayan na ang Kanyang ginawang kabayaran para sa ating mga kasalanan ay sapat na at Kanya ng napagtagumpayan ang kasalanan at kamatayan. Dahilan sa paghahandog ni Hesus ng kanyang sariling buhay, ang kaligtasan ay tulad sa isang regalo na ibinibigay ng Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na baguhin ang ating pagkakilala kay Hesus (Mga Gawa 17:30) at tanggapin Siya bilang sapat na kabayaran para sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:2). Ang kaligtasan ay nararanasan sa pamamagitan ng pagtanggap sa regalong ibinibigay ng Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Hesus, hindi sa pamamagitan ng isang panalangin.
Hindi naman ngayon nangangahulugan na hindi na maaaring gamitin ang panalangin bilang kasangkapan sa karanasan ng kaligtasan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ng Ebanghelyo at totoong nananampalataya ka kay Hesus, mabuti at tama rin naman na ipahayag mo ang iyong pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ang pagpapaabot ng iyong saloobin sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ay isang kasangkapan sa patuloy mong paglago sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos at sa patuloy na paglawak ng iyong pangunawa tungkol kay Hesus. Ang panalangin ay kasangkapan upang ipahayag ang paglalagak mo ng pagtitiwala kay Hesus lamang para sa iyong kaligtasan.
Subalit muli, napakahalagang tandaan na hindi ang pagsambit ng isang panalangin ang dahilan ng iyong kaligtasan. Hindi nakapagliligtas ang pagsambit ng panalangin. Kung nais mong maranasan ang kaligtasan sa pamamagitan ni Hesus, ilagak mo ang iyong pagtitiwala sa Kanya. Pagtiwalaan mo na ang Kanyang kamatayan ay sapat na handog sa ikapagpapatawad ng iyong mga kasalanan. Magisisi ka sa iyong mga kasalanan at buong puso mo Siyang pagtiwalaan bilang iyong tanging Tagapagligtas. Iyan ang Biblikal na kaparaanan sa kaligtasan. Sabihin mo sa Diyos kung gaano ka nagpapasalamat dahil kay Hesus. Purihin mo Siya dahil sa kadakilaan ng Kanyang pag-ibig. Pasalamatan mo ang Diyos dahil sa paghalili ni Hesus upang Siyang mamatay para sa iyo at upang iligtas ka sa walang hanggang pagdurusa sa impiyerno. Iyan ang koneksyon ng kaligtasan at panalangin ayon sa Bibliya.
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Ano ba ang panalangin ng kaligtasan?