Tanong
Ano ba ang pagsasalita sa ibat-ibang wika? Ang kaloob ba na makapagsalita ng iba't-ibang wika ay para sa panahong ito?
Sagot
Naganap ang unang pagsasalita sa iba't ibang wika noong araw ng Pentecostes sa aklat ng Mga Gawa 2:1-4. Lumabas ang mga Apostol at ibinahagi ang Ebanghelyo sa malaking grupo ng tao at nakipag-usap sila sa mga ito sa pamamagitan ng kanilang sariling wika, “Paano sila nakapagsalita sa atin-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos?” (Mga Gawa 2:11). Isinalin sa salitang Griyego ang salitang “Mga dila” bilang “Mga Wika.” Samakatuwid, ang kaloob ng dila ay ang pagsasalita ng isang wika na hindi alam ng isang tao upang makapaglingkod sa iba na nakakaalam ng nasabing wika. Sa aklat ng 1 Corinto kabanata 12-14, tinalakay ni Pablo ang tungkol sa mahimalang kaloob, sinabi niya na “Kaya, mga kapatid, kung pumariyan man ako at magsalita sa inyo ng iba't ibang wika, ano ang pakikinabangan ninyo sa akin? wala! Makikinabang lamang kayo kung ituturo ko sa inyo ang pahayag ng Diyos, ang nalalaman ko, ang mga mangyayari, at ang mga aral” (1 Corinto 14:6).
Ayon kay Apostol Pablo, at sa pangyayari na inilarawan sa aklat ng mga Gawa, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay mahalaga sa taong nakakarinig at nakauunawa ng mensahe ng Diyos sa kanyang sariling wika, subalit ito'y walang saysay – kung hindi ito isasalin sa kaniyang sariling wika. Ang taong may kaloob o may kakayahang makapagsalin ng sinasabi ng dila (1 Corinto 12:30) ay nakakaunawa sa sinasabi ng taong nagsasalita ng iba't ibang wika kahit na hindi niya alam kung anong klaseng wika ang ginagamit ng nagsasalita. Pagkatapos, ipapahayag ng taong nakakaunawa ang sinasabi ng taong nagsasalita sa iba't ibang wika ang kahulugan ng mensahe para sa kaunawaan ng lahat. “Dahil dito, kailangang ipanalangin ng nagsasalita sa ibang wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito” (1 Corinto 14:13). Ito ang hatol ni Pablo kaugnay ng ibang wika na hindi naisasalin sa wikang naiintindihan ng lahat, “Ngunit sa pagtitipon ng Iglesya, mamasarapin ko pang magsalita ng limang kataga na mauunawaan at makapagtuturo sa iba, kaysa libu-libong salita na wala namang nakakaunawa” (1 Corinto 14:19).
Ang kaloob o kakayahang makapagsalita ng iba't ibang wika ay para pa ba sa kasalukuyang panahon? Binanggit ng 1 Corinto 13:8 na ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay nawala na, iniuugnay rin ang unti-unting pagkawala ng nasabing kaloob sa pagdating ng “perpekto” sa 1 Corinto 13:10. Habang ito ang posibleng paliwanag, hindi naman ito malinaw sa teksto. Ginagamit din ng ilan ang mga talata kagaya ng Isaias 28:11 at Joel 2:28-29, bilang ebidensiya na ang pagsasalita sa ibang wika ay isang tanda ng nalalapit na paghatol ng Diyos. Inilalarawan din ng 1 Corinto 14:22 na ang pagsasalita sa ibang wika ay tanda para sa mga hindi mananampalataya. Ayon sa ganitong pangangatwiran, ang kaloob o kakayahan na makapagsalita ng iba't ibang wika ay isang babala sa mga Hudyo na hahatulan ng Diyos ang Israel (sa pamamagitan ng pagwasak sa Jerusalem ng mga Romano noong A.D. 70), ang kaloob o kakayahang makapagsalita ng iba't ibang wika ay hindi na gumaganap ngayon ng itinakda nitong layunin. Habang ang ganitong pananaw ay posible, ang pangunahing layunin kung bakit ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay natupad na at hindi na kinakailangang hingin pa ito. Gayunman, hindi malinaw na sinabi sa Bibliya na nawala na ang kaloob o ang kakayahan ng pagsasalita ng iba't ibang wika. Kung ang kaloob o kakayahan ng pagsasalita sa iba't ibang wika ay aktibo pa rin sa mga Iglesya sa kasalukuyan, ito ay dapat na isasagawa ng ayon sa sinasabi sa Kasulatan. Dapat ito ay magiging totoo at nauunawaan ng nakakarinig (1 Corinto 14:10). Ito'y naglalayong ipahayag ang Salita ng Diyos sa isang tao na iba ang katutubong wika kaysa sa mangangaral (Mga Gawa 2:6-12). Subalit ito'y dapat na sang-ayon sa utos ng Diyos na ibinigay kay Apostol Pablo, “Kung may magsasalita sa ibang wika, sapat na ang dalawa o tatlo-hali-halili sila-at kailangang may magpaliwanag ng kanilang sinasabi. Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap ng sarilinan sa Diyos” (1 Corinto 14:27-28). Ito'y bilang pagpapasakop rin sa 1 Corinto 14:33, “Sapagkat ang Diyos ay hindi nalulugod sa kaguluhan kundi sa kapayapaan, gaya ng dapat mangyari sa lahat ng Iglesya ng Diyos.” Kayang ibigay ng Diyos sa isang tao ang kaloob o kakayahang magsalita sa iba't ibang wika upang magawa niyang makipag-usap sa taong nagsasalita ng ibang lenguwahe.
Ang Banal na Espiritu ay makapangyarihan at Siyang nakakaalam sa pagbibigay ng mga kaloob na Espiritwal (1 Corinto 12:11). Isipin lang natin kung ilan pang mga epektibong misyonero ang lilitaw kung hindi na sila kailangang mag-aral pa ng ibang wika, sa halip kaagad na silang makapagsasalita gamit ang wika ng ibang tao. Gayon man, tila hindi ito ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan. Ang kakayahang magsalita ng iba't ibang wika ay tila hindi na nangyayari sa ngayon kumpara sa panahon ng Bagong Tipan sa kabila ng katotohanang malaki sana ang maitutulong nito sa pagmimisyon. Ang karamihan sa mga mananampalataya na nag aangkin na nakakapagsalita sila ng iba’t ibang wika ay ginagawa ito sa paraang hindi sinasang-ayunan ng Kasulatan. Ang katotohanang ito ay naghahatid sa isang konklusyon na ang kaloob o kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika ay nawala na. Ang mga naniniwala sa kaloob o kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika bilang “wikang panalangin” para sa paglago ng kanyang sarili ay kinuha ang kanilang pananaw mula 1 Corinto 14:4 o 14:28, “Ang sariling pamumuhay Espiritwal ang pinauunlad ng nagsasalita sa ibang wika, ngunit ang Iglesya ang pinauunlad ng nagpapahayag ng Salita ng Diyos.”
Sa buong ikalabing apat na kabanata ng aklat ng 1 Corinto, binibigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng pagsasalin ng ibang wika sa wikang naiintindihan ng tagapakinig (tingnan ang 14:5-12). Ang sinasabi ni Pablo sa talata 4 ay ganito, “Kung ikaw ay nagsasalita ng ibang wika at hindi mo ito isinasalin sa wikang mauunawaan ng lahat, wala kang ginagawa kundi pinapaunlad ang iyong sarili lamang, pinapalabas mong mas Espiritwal ka kumpara sa iba. Kung ikaw naman ay nagsasalita sa ibang wika at isinasalin mo ito sa wikang nauunawaan ng lahat, pinapaunlad mo ang lahat.” Ang Bagong Tipan ay hindi nagbibigay ng instruksyon sa “panalanging gumagamit ng iba’t ibang wika” o partikular na naglarawan sa isang tao na “nananalangin gamit ang iba’t ibang wika.” Kung ang “panalanging gumagamit ng iba’t ibang wika” ay para lang sa pagpapaunlad sa sarili, hindi ba't hindi ito makatarungan para sa mga taong walang kakayahan o kaloob ng makapagsalita ng iba’t ibang wika? Kung magkagayon, ang mga mananampalataya na walang ganitong kakayahan ay hindi mapapaunlad ang kanilang mga sarili. Malinaw na isinasaad ng 1 Corinto 12:29-30, na hindi lahat ay may kakayahan o may kaloob na makapagsalita ng iba't ibang wika.
English
Ano ba ang pagsasalita sa ibat-ibang wika? Ang kaloob ba na makapagsalita ng iba't-ibang wika ay para sa panahong ito?