Tanong
Saan ka pupunta kung ikaw ay mamatay?
Sagot
Napakalinaw ng itinuturo ng Bibliya na sa huli, mayroon lamang dalawang pupuntahan ang tao pagkatapos ng kamatayan: langit o impiyerno. Napakalinaw din ng itinuturo ng Bibliya na maaari mong matiyak ang iyong pupuntahan kung sakaling bawian ka ng buhay. Ipagpatuloy mo ang iyong pagbabasa.
Una, mayroon tayong malaking problema. Lahat tayo ay nagkasala (Romans 3:23). Nakagawa tayong lahat ng mga pagkakamali, gawaing masama at imoral na mga bagay (Mangangaral 7:20). Ang kasalanan natin ang naghihiwalay sa atin sa Diyos, at kung hindi ito masosolusyunan, ang ating kasalanan ang magdadala sa atin sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Mateo 25:46; Romans 6:23a). Ang walang hanggang pagkahiwalay na ito ay sa impiyerno, na inilarawan sa Bibliya na apoy na hindi namamatay (Pahayag 20:14-15).
Ngayon ang solusyon. Naging tao ang Diyos sa persona ni Hesu Kristo (Juan 1:1, 14; 8:58; 10:30). Nabuhay Siya na isang banal at walang kahit isang kasalanan (1 Pedro 3:22; 1 Juan 3:5) at kusang loob na inihandog ang Kanyang buhay bilang ating kahalili (1 Corinto 15:3; 1 Pedro 1:18-19). Binayaran ng Kanyang kamatayan ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan (2 Corinto 5:21). Ngayon ay iniaalok ng Diyos ang kaligtasan at kapatawaran bilang isang walang bayad na kaloob (Roma 6:23b) na kailangan nating tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 3:16; Efeso 2:8-9). “Manampalataya ka sa Panginoong Hesu Kristo at maliligtas ka” (Gawa 16:31). Magtiwala ka kay Hesus lamang bilang iyong Tagapagligtas, at magtiwala ka sa Kanyang handog bilang kabayaran ng iyong mga kasalanan at kung gagawin mo ito, pinangakuan ka Niya ng buhay na walang hanggan sa langit, ayon sa Salita ng Diyos.
Saan ka pupunta kung ikaw ay mamatay? Iniaalok ng Diyos ang pagpipilian. Iniimbitahan ka ng Diyos na lumapit sa Kanya. Ito ay iyong sariling pagpapasya.
Kung nararamdaman mo na inilalapit ka ng Diyos sa pananampalataya kay Kristo (Juan 6:44), lumapit ka sa Tagapagligtas. Kung hinahawi ng Diyos ang tabing at inaalis ang iyong kabulagang espiritwal (2 Corinto 4:4), tumingin ka sa Tagapagligtas. Kung nararanasan mo ang ningas ng buhay na wala sa iyo noon (Efeso 2:1), mabuhay ka para sa Tagapagligtas.
Saan ka pupunta kung ikaw ay mamatay? Langit o impiyerno. Sa pamamagitan ni Hesu Kristo, maiiwasan mo ang pagpunta sa impiyerno. Tanggapin mo si Hesu Kristo na iyong Tagapagligtas at langit ang iyong magiging huling hantungan. Kung hindi ka magsisisi at tatanggap kay Hesu Kristo, walang ibang pupuntahan kundi ang apoy na hindi namamatay sa impiyerno (Juan 14:6; Gawa 4:12).
Kung nauunawaan mo ngayon ang dalawang posibilidad kung saan ka pupunta kung sakaling bawian ka ng buhay, at nais mong magtiwala kay Hesu Krsito bilang iyong Tagapagligtas, tiyakin mo na iyong nauunawaan at pinaniniwalaan ang mga nakasulat dito, at bilang tanda ng iyong pananampalataya, sabihin mo sa Diyos ang sumusunod: “O Diyos nalalaman ko na ako ay isang makasalanan, at alam ko na dahil sa aking mga kasalanan, nararapat lamang na ako ay mahiwalay sa Iyo ng walang hanggan. Ngunit kahit hindi ako karapatdapat, salamat sa iyong pag-ibig sa akin at sa pagbibigay Mo ng Iyong Anak bilang handog para sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli. Naniniwala ako na namatay si Hesus para sa aking mga kasalanan at nagtitiwala ako sa Kanya lamang upang ako ay maligtas. Mula sa oras na ito, tulungan Mo ako na mabuhay para sa Iyo sa halip na mabuhay sa kasalanan at para sa aking sarili. Tulungan Mo ako na ipamuhay ang aking natitirang buhay sa pasasalamat dahil sa pagbibigay Mo sa akin ng iyong kahanga-hangang kaligtasan. Salamat Panginoong Hesus sa pagliligtas Mo sa akin. Amen.” Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
Saan ka pupunta kung ikaw ay mamatay?