Tanong
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa paglalagay ng tattoo at mga hikaw sa katawan?
Sagot
Ipinag-utos ng Diyos sa Lumang Tipan sa mga Israelita, “Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tattoo. Ako si Yahweh” (Levitico 19:28). Totoo, ang mga mananampalataya sa ngayon ay wala na sa ilalim ng mga batas sa Lumang Tipan (Roma 10:4; Galacia 3: 23-25; Efeso 2:15), ngunit ang katotohanang mayroong kautusan laban sa paglalagay ng tattoo ay nararapat lamang na maging dahilan para tayo ay magtanong. Walang anumang sinasabi ang Bagong Tipan kung ang isang mananampalataya ba ay pwede o hindi pwedeng magpalagay ng tattoo. Kaugnay ng pagta-tattoo at paglalagay ng mga hikaw sa iba't-ibang bahagi katawan, ang sinasabi sa 1 Corinto 10:31 ay magandang pagsubok upang malaman kung maaring gamitin ang ganitong gawain para sa magandang hangarin. “Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o ano man ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos” (1 Corinto 10:31).
Ang Bibliya ay hindi nag-uutos laban sa tattoo o sa paglalagay ng hikaw sa katawan, subalit wala rin itong sinasabi na hindi tumututol ang Diyos sa paglalagay ng tattoo at paghihiwa sa ating mga katawan. Ang isa pang isyu na dapat isa alang-alang ay ang kahinhinan. Itinuturo sa atin ng Bibliya na dapat tayong magdamit ng maayos o may kayumian (1 Timoteo 2:9). Ang isang aspeto ng pagdadamit ng maayos ay ang siguruhing ang lahat ng dapat takpan ng damit ay natatakpan. Gayon man, ang pangunahing kahulugan ng pagiging mayumi ay upang hindi ka makakuha ng atensiyon para sa iyong sarili. Ang mga taong nagdadamit ng maayos ay ginagawa ito upang hindi sila makakuha ng atensiyon ng iba. Ang pagkakaroon ng tattoo at mga hikaw sa katawan ay may napakalaking posibilidad na makakakuha ng atensiyon ng iba. Sa dahilang ito, ang tattoo at mga hikaw sa katawan ay hindi matatawag na kayumian.
Ang pinaka-importanteng prinsipyo ng Bibliya tungkol sa mga isyu na hindi direktang sinasagot nito ay; kung mayroong pagdududa na ang isang bagay o gawain ay hindi nakakalugod sa Diyos, ang pinakamabuting gawin ay huwag ituloy ang naturang gawain. “Kasalanan ang anumang gawang hindi ayon sa pananalig” (Roma 14:23). Dapat nating malaman na ang ating mga katawan, maging ang ating mga kaluluwa, ay tinubos na at pagmamay-ari na ng Diyos. Kahit na ang 1 Corinto 6:19-20 ay hindi direktang tumutukoy sa tattoo o paglalagay ng hikaw sa katawan ngunit binibigyan naman tayo ng prinsipyo, “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos; binili Niya kayo sa malaking halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.” Kung ang ating katawan ay pagmamay-ari ng Diyos, kailangan nating siguruhin na mayroon tayong malinaw na pahintulot mula sa Kanya bago natin ito lagyan ng tattoo o hiwain.
English
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa paglalagay ng tattoo at mga hikaw sa katawan?