Tanong
Ano ang tunay na relihiyon?
Sagot
Ang relihiyon ay maaaring pakahuluganan ng “isang paniniwala sa Diyos o mga diyos upang sambahin na kadalasang isinasagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin o ritwal” o “anumang sistema ng pananampalataya, pagsamba at iba pa, na may mga kalakip na alituntunin na dapat sundin.” Halos siyamnapung porsyento ng populasyon ng mundo ay kabilang sa isang partikular na relihiyon. Ang problema ay napakarami na ng relihiyon sa buong mundo. Ano ngayon ang tunay na relihiyon? At ano nga ba ang tamang relihiyon?
Ang dalawang pangunahing sangkap ng relihiyon ay mga alituntunin at mga ritwal. May mga relihiyon na tanging ang meron sila ay mga listahan ng mga bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin na kailangang sundin upang maituring na tapat na miyembro at sa gayon ay mapalapit sa kanilang Diyos. Ang dalawang halimbawa ng ganitong relihiyon ay ang Judaismo at Islam. Ang Islam ay may limang haligi ng pananampalataya na kailangang sundin. Ang Judaismo naman ay may daan-daang mga kautusan at tradisyon na dapat ganapin. Ang dalawang relihiyong ito, sa magkaibang antas, ay nagaangkin na maituturing na karapatdapat sa paningin ng Diyos ang isang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntuning itinakda ng kanilang relihiyon.
Ang ibang relihiyon naman ay nakatuon sa pagganap sa mga ritwal sa halip na sa pagsunod sa mga alituntunin; sa pamamagitan ng mga sakripisyo, pagganap ng tungkulin, pakikilahok sa mga gawain, pakikisama sa pagkain at iba pa, ang isang tao ay nagiging karapat dapat sa Diyos. Ang isang pangunahing halimbawa ng ganitong relihiyon ay ang Romano Katoliko. Pinaniniwalaan ng mga Romano Katoliko na sa pamamagitan ng pagbibinyag sa bata, pagdalo sa misa, pangungumpisal sa pari, pag-aalay ng mga panalangin sa mga namatay sa langit, sa pagbabasbas ng pari sa isang tao bago mamatay at iba pang ritwal ay makapupunta ang tao sa langit pagkatapos niyang mamatay. Ang Budismo at Hinduismo naman ay pinahahalagahan ang napakarami ding ritwal at sa mas mababaw na antas ay masasabing nakasalalay sa pagsunod sa mga tuntunin ang ikaliligtas.
Ngunit ang tunay na relihiyon ay hindi nababatay sa mga tuntunin at mga ritwal. Ang tunay na relihiyon ay pakikipagrelasyon sa Diyos. Dalawang bagay ang pinaniniwalaan ng lahat ng relihiyon: una ay ang paniniwala na ang sangkatauhan ay nahiwalay sa Diyos at ikalawa, kailangang makipagkasundo ng tao sa Diyos. Ang mga hidwang relihiyon ay nagtatangkang lutasin ang problemang ito ng tao sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin at pagganap ng mga ritwal. Nabigyang kalutasan ang problemang ito ng tunay na relihiyon sa pamamagitan ng pagkilala na tanging ang Diyos lamang ang makapagbabalik ng relasyon ng tao sa Kanya at Kanya itong isinakatuparan. Kinikilala ng tunay na relihiyon ang mga sumusunod na katotohanan:
Ang lahat ng tao ay nagkasala at dahil doon ay nahiwalay sa Diyos (Roma 3:23).
Kung hindi mabibigyang lunas ang ksalanan, ang karampatang parusa sa kasalanan ay kamatayan at walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos sa apoy ng impiyerno (Roma 6:23).
Ang Diyos ay nanaog sa lupa sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo na Siyang namatay upang akuin ang kaparusahan ng ating mga kasalanan at nabuhay na mag-uli upang patunayan na ang Kanyang kamatayan ay sapat na handog para sa mga kasalanan (Roma 5:8; 1 Corinto 15:3-4; 2 Corinto 5:21).
Kung magsisisi ang tao at tatanggapin si Hesus bilang tagapagligtas at magtitiwala sa kanyang kamatayan bilang sapat na pambayad para sa mga kasalanan, ang tao ay patatawarin, ililigtas, tutubusin, ipakikipagkasundo sa Diyos at pawawalang sala (Juan 3:16; Roma 10:9-10; Efeso 2:8-9).
Mayroon din namang mga tuntunin at mga ritwal na isinasagawa sa tunay na relihiyon ngunit may malaking pagkakaiba ito sa mga hidwang relihiyon. Sa tunay na relihiyon, ang mga tuntunin at mga ritwal ay isinasakatuparan bilang pasasalamat sa tinamong kaligtasan na ipinagkaloob na ng Diyos - hindi upang magkamit ng kaligtasan. Ang tunay na relihiyon ay ang Kristiyanismo na naaayon sa Bibliya at may mga batas din naman na dapat sundin gaya ng huwag mangangalunya, huwag papatay, huwag magsisinungaling at iba pa at may mga ritwal din na dapat ganapin gaya ng pagbabawtismo at kumunyon. Ngunit ang pagganap sa mga tuntunin at ritwal na ito ay hindi upang maging karapatdapat sa Diyos. Manapa, ang mga tuntunin at mga ritwal na ito ay BUNGA lamang ng relasyon ng Kristiyano sa Diyos sa biyaya sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo na Siyang tanging Tagapagligtas. Ang tunay na relihiyon ay pagtanggap kay Hesu Kristo bilang tanging Tagapagligtas at ang pagpapanumbalik muli ng relasyon ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang kamatayan - at ang paggawa ng mabuti at pagtupad sa mga tuntunin at ritwal ay dahil sa naguumapaw na pag-ibig, pagnanais na lalong mapalapit sa Diyos at pasasalamat ng Kristiyano sa Diyos dahil sa kanyang nakamit na kaligtasan hindi upang bayaran ang sariling kaligtasan.
Dahil sa iyong mga nabasa sa aming website, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Ano ang tunay na relihiyon?