Tanong
Nakasulat ba sa Bibliya na hindi na mawawala ang kaligtasan magpakailanman?
Sagot
Nang tanggapin ng isang tao si Kristo bilang kaniyang tagapagligtas at tinanggap siya ng Diyos, siya ay binigyan ng bagong relasyon ng Diyos bilang Kanyang anak na nagbibigay katiyakan na siya ay ligtas na at hindi na mawawala pa ang kanyang kaligtasan. Sinasabi sa Judas 1:24, “Sa Kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo ng walang kapintasan at may malaking kagalakan sa Kanyang kaluwalhatian.” Ang Diyos ay makapangyarihan at may kakayahang ingatan ang mananampalataya upang hindi mawala ang kanyang kaligtasan. Nakadepende ito sa Diyos, hindi sa atin, kung ihaharap Niya tayo sa Kanyang maluwalhating presensya. Ang katiyakan ng kaligtasan ay dahilan sa pag-iingat sa atin ng Diyos. Hindi tayo ang nagpapanatili at nangangalaga sa ating sariling kaligtasan.
Ipinahayag ni Hesu Kristo, “Binibigyan Ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa Akin ninuman. Ang Aking Ama, na nagbigay sa kanila sa Akin, ay lalong dakila sa lahat at hindi sila maaagaw ninuman sa Aking Ama” (Juan 10:28-29). Hawak tayo ng mahigpit ni Hesus at ng Diyos Ama. Sino ang maaaring makapaghiwalay sa atin sa mahigpit na pagkakahawak ng Ama at ng Anak? Sinasabi sa atin ng aklat ng Efeso 4:30 na ang mga mananampalataya ay “natatakan na noong araw na tinubos tayo ni Hesus.” Kung ang mga mananampalataya ay walang kasiguruhan sa kanilang kaligtasan, walang katotohanan ang pagtatak sa atin noong araw na tinubos Niya tayo sa ating mga kasalanan, sa halip ito'y totoo lamang noong araw na tayo nagkasala at hindi tayo nanampalataya. Sinasabi sa Juan 3:15-16 Ang sinumang nananampalataya kay Hesus ay may “Buhay na walang hanggan.” Kung ang isang tao ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan, ngunit pagkatapos binawi rin ito sa kanya, hindi ito matatawag na “walang hanggan.” Kung ang walang hanggang seguridad ng kaligtasan ay hindi totoo, ang pangako na buhay na walang hanggan sa Bibliya ay isang kasinungalingan at malaking pagkakamali. Ang isa sa pinaka-makapangyarihang argumento tungkol sa katiyakan ng kaligtasan ay matatagpuan sa Roma 8:38-39, “Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan o sa darating pa, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon. Ang ating walang hanggang kaligtasan ay ginawa ni Kristo, ipinangako ng Ama, at sinelyuhan ng Banal na Espiritu.
English
Nakasulat ba sa Bibliya na hindi na mawawala ang kaligtasan magpakailanman?